PAGTATASA

February 13, 2010 at 5:39 am (Uncategorized)

Lagpas isang linggo na nang matapos ang aking pamumuhay bilang Muslim. Lagpas na rin ng isang buwan mula kami’y “mabinyagan”. Para magkaroon nang kahit kakaunting kahulugan ang aming naturang karanasan, maganda siguro kung mapapagnilayan ang mga ito. Ayon nga sa kasabihan, ang isang karanasan, kahit gaano pa man ito ka-astig o ‘di malilimutan, ay wala ring saysay kung ‘di rin ito pag-iisipan at pagninilayan.

Unang punto: mahirap talagang mamuhay bilang Muslim. Bakit? Kami na sigurong mga namuhay bilang Muslim ang makapagpapatunay nito. Kung tutuusin, mahirap naman talagang mamuhay bilang isang mananampalataya, sa kahit ano pa mang relihiyon – kesyo taga-sunod ka ni Hesus, Allah, o Buddha, marami talagang mga batas at panukalang kailangang sundin upang maituring ka na isang mabuting taga-sunod. Ngunit, kung inyong maitatanong, ano ba ang MAS nagpahirap sa pagiging Muslim namin sa loob ng isang buwan? Una sa lahat, tunay nga namang mas strikto ang mga panuntunan ng mga kapatid nating taga-sunod ng Islam. (‘Di ko nga lang alam kung ano, kung mayroon man, ang mga parusa ng mga Muslim kapag sila’y nagkakasala. Halimbawa, ‘di ko alam kung ano ang nagyayari sa mga Muslim na kumakain ng baboy, o mas lalo na dun sa mga gumagawa ng matitinding pagkakasala tulad ng pagtataksil sa asawa atbp.) At ang ganitong pamumuhay, na mahigpit sa pagkakasala ang sinubukan naming gampanan. Pangalawa, ‘di naman siguro maganda kung hindi namin nalubos ang aming karanasan, sa pamamagitan ng pagsasawalang-bahala ng mga alituntunin ng aming pansamantalang relihiyon. Kung kami’y nagpilit na kumain ng pizza rolls na may lamang baboy, o uminom ng kahit isang basong beer, tila nawawalan ng saysay ang aming pagpupunyagi na maintindihan ng mas mabuti ang buhay ng isang taga-sunod ni Allah. Aaminin ko na kahit man ako ang may pinakamarami sa tala ng mga sala, maipagmamalaki ko na sinubukan kong bawasan ang aking pagkakasala sa loob ng isang buwan na iyon at natutuwa ako sa aking sarili. Kahit papaano, ay masasabi ko, na sa aspetong ito ng Islam (at mga taga-sunod nito) ay may malalim na akong pag-unawa. At siyempre, umaasa din ako na ’di lang ito nagtatapos dito. Nawa’y madala ko ang lahat ng aking natutunan, partikular na tungkol sa pag-iwas sa kasalanan sa aking pagbalik sa isang Kristiyanong pamumuhay. Balewala siguro ang mga aral na aming napulot kung ito’y kakalimutan din namin, at ‘di gagamitin sa hinaharap.

Pangalawa, nais kong ilarawan ang mismong karanasan ng pagiging isang “Muslim”. Sa kabuuan, bukod sa aspeto ng pagkakasala, ‘di naman ganun kahirap o naiiba ang pagiging isang Muslim. Maliban na nga lang dun sa mga ilang bawal, aming mga pansamantalang binagong pangalang, at mga itinkadang oras ng pagdarasal ay parehong tao pa rin naman kaming lahat sa grupo. Umuupo sa klase para mag-aral, lumalabas ng Biyernes para maglaro ng kompyuter at gumimik (wala nga lang inom-inom), at nakikisalamuha pa rin sa aming kapwa kesyo Muslim, Kristiyano, at iba pa. Napag-isipan ko na rin na isang maling akala ang ‘di pagkakaintindihan ng mga tao dahil sa usaping relihiyon. Dahil sa katunayan, wala naman talagang epekto ‘to sa relasyon ng mga tao sa isa’t isa, at napatunayan ito ng aming mumunting eksperimento. Nang magsimula ang aming pagiging Muslim, isinaisip ko ang itinituring na pinaka-problema ng mga Muslim ukol sa pakikisalamuha at pakikiisa. Hindi naman kami inaway ng aming Kristiyanong kaklase, o kaya’y kinutya bilang mga terorista at taga-benta ng pekeng DVD. Kung mayroon mang ‘di pagkakaintindihan sa ngayon, ay resulta ito ng isang mababaw at makitid na pananaw (na kadalasan ay base sa mga lumang haka lamang), at malaking kakulangan ng pagkakaintindihan at pag-unawa. Nakatulong marahil na matagal na kaming magkakaklase kaya wala masyadong pang-aasar at panggagago (at dahil na rin siguro na alam nilang seryoso ang aming proyekto). At ito na siguro ang pinakapunto ng aming naturang gawain: kung tayo’y magkukusa lang na intindihin ang ating mga kapatid na Muslim ay wala sanang away na naka-ugat sa usaping relihiyon. Wala naman kasing personalan pagdating sa ganitong isyu e. May karapatan tayong pumili ng ating relihiyon, at sambahin ang kung sino mang Diyos diyan; may karapatan silang pumili ng kanilang relihiyon at sambihin ang kung sino mang Diyos. Sa bandang huli, pare-pareho lang naman tayo. Parehong tao, parehong Pilipino, na pantay-pantay pagdating sa mga karapatan, dignidad at pagkatao.

Panghuli, nais kong tapusin ang aking karanasan bilang pansamantalang alipin ni Allah, sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong na ito: Nagawa, o natupad ba namin ang aming mga mithiin ng sinimulan namin ang proyektong ito? Sa aking personal na opinion, ay oo. Babalikan natin ngayon ang pinaka-konsepto ng aming pagganap bilang mga “Muslim” sa loob ng isang buwan. Ano ba ang nais naming makamit noong una naming naisip, at sinimulan ang eksperimentong ‘to? Sa aking unang tagta (blog), sinabi ko na aming susubukang bigyang lunas ang “pagka-ilang” nating mga Kristiyano sa ating mga kapatid na mananampalataya ng Islam, sa pamamagitan ng pamumuhay bilang isa sa kanila. Binanggit ko rin na kadalasan, tayo’y naiilang sa mga bagay na ‘di tayo pamilyar, o kaya’y ‘di natin kilala, naiintindihan o nauunawaan. At ang naisip naming paraan upang maresolba ang ganitong klaseng isyu partikular na ang tensyon na namamagitan sa mga Kristiyano at Muslim, ay ilusong ang aming sarili sa ganitong klaseng pamumuhay. At sa aking palagay, kami’y nagtagumpay kahit papaano. Nilayon namin ang proyektong ito para sa aming mga sarili bago ang lahat, at parang dagdag na lamang kung may mabuksan kaming mga mata at mga kalooban. Sa sarili ko mismo, narating ko ang isang mas malalim at mas bukas na pag-unawa sa mga Pilipinong Muslim, sapagkat dinanas ko ang kanyang buhay sa loob ng isang buwan – at sa loob ng isang buwan na ito ay napagyaman ang aking kaalaman ukol sa Islam at sa mga taga-sunod nito, at siyempre nadagdagan din ang aking respeto at pag-intindi para sa kanila. Ikagagalak ko kung may natutunan at matutunan ang ibang mga tao, partikular na sa mga taga-labas na makababasa at makabibisita sa aming website at mga blogs dito. Kung wala o kakaunti lamang, ay okay lang din naman. ‘Di namin itinakda na magiging isang malaking tagumpay agad ang aming proyekto. Ang mahalaga ay personal kaming naliwanagan – kaming pitong sumabak sa karanasan na ito. At nasa inyo na kung may mapupulot kayo sa aming mumunting gawain. Sabi nga nila, ang pagbabago ay ‘di naisasagawa o naisasakatuparan agad-agad. Ang tunay na pagbabago ay dinadahan-dahan, at inuunti-unti. At nawa’y nagsilbi kaming gabay, at simula para sa mga iba pang pagbabago sa hinaharap. Hanggang sa muli, kapatid. Salaam Alaykum.

-Al-Tufayl

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.