Pagnanasa

February 6, 2010 at 6:12 am (Uncategorized)

Hindi maitatanggi na ang lahat ng tao, kahit sa isang punto man lang ng kanilang buhay, ay magnanasa. Ano nga ba ang pagnanasa?  Batay sa isang mabilis na pagtingin sa Google, nakasaad (at marahil alam na natin ito) na ang pagnanasa ay isang matinding pakiramdam ng pagkahumaling, na nanggagaling sa isang estado ng kawalan ng pagka-kuntento sa iba’t ibang mga bagay, o sa kakulangan sa tugon para sa mga indibidwal na pangangailangan.

Lahat naman tayo ay may kanya-kanyang ninanasa. May mga taong  sadyang mahilig sa tsokolate at hinahanap-hanap ito sa bawat oras. May mga matatalinong taong nagnanasa para sa mga matataas na grado. Mayroon ding mga sakim na pulitiko na nagnanasa para sa malalaking kayamanan at kapangyarihan. At siyempre ‘di mawawala ang pagnanasa para sa ating kapwa, partikular na ng isang lalaki para sa isang babae, o ang kabaliktaran nito.

Ang unang tanong na kailangan natin sagutin sa diskusyong ito, ay kung may karapatan ba tayong bigyang lunas ang ating pagnanasa sa isang bagay. Para sa akin, ang sagot ay depende. Siyempre, ‘di lang naman tayo ang tao sa mundo. At kadalasan, kung may gusto tayong angkinin o mapasaatin e mayroon tayong kailangang tapakan para lang makuha ang ating mga kagustuhan. Halimbawa na siguro ‘yung gagong pulitiko na nagnanakaw mula sa kaban ng bayan: bawat sentimong kinukulimbat niya ay marahil nagamit sana sa pagpapakain ng isang batang namimilipit sa gutom sa kung saang eskinita. Pero sa kabilang banda, naniniwala rin naman ako na puwede ka namang magnasa kung wala ka namang natatapakan o nasasaktan sa iyong pagkamit ng iyong ninanasa. Pangangailangan mo ‘yun e. At karapatan mong hanapan ng panawid-gutom ang iyong mga pansariling pangangailangan.

Sige, aaminin ko: sa tala ng mga kasalanan (naming mga nabubuhay bilang Muslim), ako ang may pinakamarami. At oo, sa pagnanasa bumabagsak ang karamihan ng aking mga puntos sa tala. Nakakahiya na kung nakakahiya, pero mas mabuting maging makatotohanan kaysa magtago at ‘wag maglantad. Mas masahol pa rin ang mga sinungaling. At kung titignan ko ang tala ng iba kong kapwang Muslim, minsan ako’y nadidismaya at ‘di makapaniwala na wala o kakaunti lang ang bilang nila sa ilalim ng ganitong uri ng pagkakasala. Diretsahan na, at sinasabi ko sa  sarili ko na imposible ata ‘to.

*naka-paskil ang tala at bukas para makita ng lahat

Sigurado akong ‘di ako nag-iisa sa aking klase, sa aking eskuwela (na Katoliko pa man din), o sa aking mga ka-edad. Nasa edad ako kung saan ‘di ko kontrolado ang takbo ng aking katawan, partikular na ang tinatawag nating hormones. Mabilis na pagbabago ng ugali (masaya ngayon, nais magpakamatay mamaya), ilang pagbabagong pisikal, at siyempre matinding pagkahumaling para sa mga miyembro ng kabilang kasarian. Makakita nga lang ng babaeng dumadaan na maganda, seksi, o medyo kaunti lang ang saplot na nakabalot sa katawan e parang nasisiraan na ng ulo ang ilang mga lalaki. Mas lalo na para sa mga nanonood at nagbabasa ng mga pelikula at babasahing pornograpiko.

Kristiyano ako (sa katunayan), maging ang dalawang libo at higit pang mga Atenista, at maging ang halos kuwarenta kong kaklase sa 4A. Alam kong kasalanan ang pagnanasa (para sa mga miyembro ng kabilang kasarian), at labag ito maging sa ating sariling relihiyon at mga batas nito. Eto na ang pangalawang tanong: maiiwasan ba natin ito? Ang tanong ay, hinde. Mangyayari at mangyayari ito, lalo na sa aming nagbibinata. ‘Di ko sinasabing imposible; ang aking punto ay ‘di ito mawawala. Nakabaon na ‘to sa ating mga utak e, sa ating mga hormones. At marahil, kinakailangan siguro ng isang ubod ng astig at dalisay na tao para maiwasan at kalimutan ito ng tuluyan. Nabanggit ko na kanina na ‘di masama ang paghahanap ng lunas sa ating mga pangangailangan basta wala tayong tinatapakan at sinasaktan. At hanggang ngayon, kahit ano pa ang sabihin ng iba, tulad ng mga kapwa kong “Muslim”, kesyo mawawalan daw ako ng respeto para sa mga ibang babae tulad ng aking nanay, mga kapatid na babae (wala naman akong babaeng kapatid), o marahil mga gurong babae; o ‘di kaya ilang mga teorya na ‘di naman napapatunayan pa – para sa akin, mahirap lunukin ang ganitong mga bagay. Ako’y matalino, isang intelektuwal na nag-iisip at ‘di talaga bumebenta sa akin ang ganitong klaseng mga rason. Hanggang ngayon, naghahanap pa talaga ako ng mga taong magsasabi sa akin ng mga kongkretong dahilan kung bakit ‘di ko ‘to puwedeng ipagpatuloy. ‘Wag niyo akong husgahan. Nagmimisa ako dalawang beses sa isang linggo. Nagbibigay ako ng pera sa simbahan. Kumakanta ako sa choir ng aming parokya. Sumasama ako sa aking pamilya sa pagrorosaryo araw-araw. Umiiwas ako sa mga maling gawain NA SA TINGIN KO AY MAY KONGRETO AT KAPANI-PANIWALANG BASEHAN. Masama ang magnakaw dahil may karapatan ang iba dun bilang may-ari. Masama ang pumatay dahil sa Diyos nanggaling ang buhay na iyon, at wala kang karapatan na kunin ito (at dahil may karapatan din ang mga kaanak ng biktima na mabuhay ito, lalo na halimbawa kung magulang ito na sumusustento sa kanyang pamilya). Masama ang pagnanasa dahil…?

- Al-Tufayl

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.