Bakit gano’n?
Tatlong linggo na rin akong namumuhay bilang isang Muslim. Sa mga nagdaang araw, sadyang naging mahirap ang mamuhay gaya ng nakagawian na. Palibhasa kasi’y may mga naiba at may mga nagpupumilit na ibahin.
Sa simula, mukha naming sisiw lang ang mamuhay bilang isang Muslim. Wala naman talaga akong hilig sa pag-inom ng alak at kaya ko namang iwasan ang pagkain ng baboy kung nanaisin. Hindi ko rin naman ginagawang pampalipas ng oras ang pagtingin sa mga babaeng nagdaraan sa tabi-tabi. Kala ko madali lang ‘to.
Halata naman sa aking pananalita na ako’y nagkamali. Mahirap. Sobrang hirap. Palibhasa kasi’y nakikita ko ang mga taong nasa aking paligid na nagagawa nila ang mga bagay-bagay na bawal para sa isang Muslim nang walang pag-aalinlangan.
Kahit isang munting pizza roll man lang ay ‘di ko magawang kainin nang hindi nakararamdam ng kauting pagsisi. Kahit ang kapalit lang nito ay isang dagdag na marka sa talaan ng sala, ang pagkain ng baboy ay tinuturing ko nang isang “tunay” na kasalanan. Talagang nag-iba na ang aking pamumuhay. Hindi ko alam kung makababalik pa ako sa dati kong mga nakasanayan.
Kahit ang mga kasamahan ko rin sa proyektong ito ay nahihirapan din. Kadalasa’y maririnig mo mula sa aming mga pagpupulong ang mga birong “Pagkatapos nito, kakain ako ng isang buong letson!” o kaya naman ay “Iinom ako ng alak na hinaluan ng dinikdik na bacon habang nag-*******!” Halatang namang kaming lahat ay hindi nasasarapan sa ginagawa namin.
Kahit ganito man ang aking kalagayan, hindi pa rin ako nagsisisi sa aking pagsali sa grupong naglalayong mamuhay bilang mga Muslim para sa isang buwan. May naidulot din naman itong kagandahan sa aking pamumuhay, tulad na lang ng pagdalas ng aking pagdarasal, hindi dahil sa kailangan kundi dahil sa nakasanayan ko na. Ang tanging kagustuhan ko lang ay may maidulot din na pagbabago ito sa inyong buhay, aking mambabasa.
Patapos na rin ang proyektong ito at masasabi kong nagtagumpay naman kami.
Subalit, sa lahat ng naranasan ko sa mga nakaraang linggo ng aking buhay-Muslim, isang bagay lang ang aking pinagtatakhan. May ilang bagay na ipinagbabawal sa Islam na ipinagbabawal din sa Kristiyanismo. Kung ganoon nga, bakit ngayon lang lubusang naramdaman naming mga Kristiyanong-naging-Muslim ang kamalian ng ilan sa aming mga gawain? Dati naman kasi ay halos walang epekto sa amin, o sa iba sa amin, ang pagiging bastos sa mga kababaihan, ang “pagpapasaya sa sarili” at kung anu-ano pa. Dati’y parang walang lang ang mga gawaing ito, pero ngayo’y tila naging napalaking isyu nga mga ‘to.
Siguro’y dahil may mga makaaalam kung gawin namin ang mga ‘to.
Siguro’y dahil gusto naming magmukhang mga santo’t banal sa harapan ng ibang mga tao.
Siguro’y dahil nasanay na kami sa pamumuhay bilang mga Muslim.
Siguro’y dahil may nagpapaalala lagi sa amin sa mga nakaraang linggo na mali ang mga ‘to.
Hindi ko rin alam. Ngunit, nakasisiguro akong mananatili na ang mga pagbabagong naidulot ng pagiging isang Muslim sa aking buhay.
-Jahangir
Dagdag: Ako ‘yun, ‘yung “Iinom ako ng alak habang…”
-Yasu