Yalda
Salam.
Sampung araw na lamang ang natitira para sa amin. Inshallah (“kung nais ni Allah” o parang “sana”), patuloy na maging makahulugan para sa lahat ang pinagdadaanan namin.
Ngayon ako na ang nakatakda para sumulat ng tagta. Mahirap ito para sa akin, ‘pagkat ang magagandang karanasan at pananaw na inilathala na ng mga kapatid ko ay parang akin din. Ano pa ba ang maidagdag?
Susubukan ko lang. Magsisimula ako sa natutunan kong bagong konsepto: ang Yalda. Natagpuan ko ito sa nobelang Kite Runner. Para kay Amir, ang pangunahing tauhan, ang Yalda ay ang mga malamig, makulimlim at mapanglaw na gabing tinitiis niya bago niya makita ulit si Soraya, siyang nagbibigay-liwanag sa kanyang buhay. Ang Yalda kasi, sa kulturang Persyano, panahon ng paghihintay para sa pagbubukang-liwayway, bago mag-Winter Solstice.
Biglang nagkaroon ito ng halaga sa akin. Sa klase, madalas pa rin kami makipaglokohan. “Sana matapos na ‘to! Gusto ko nang kumain ng baboy!” “Pare, magpapakalasing na ako mamaya a. Markahan niyo na lang ako…” Minsan biro. Minsan totoo. Halatang-halatang hirap kami sa social experiment na ito.
Ako pa naman ang nagmungkahi ng hatid na ito. Ako na ang umaayaw, ngayong malapit na matapos ang buwan. Parang Yalda talaga… gigil na gigil, ‘di makatiis para makita ang “liwanag”.
Ngunit, ‘wag niyong isipin na parusa ang buhay ng muslim. ‘Di lang sanay kaya malamig, makulimlim at mapanglaw ang buhay. Tatlong linggo pa lamang ang nakalipas, tiyak na alam ko na ang hirap ng buhay ng muslim. Nagkaroon ako ng bago’t mataimtim na paggalang para sa mga muslim at ang Islam.
Huwag niyong isipin na parusa ang Yalda. Dapat pala sinabi ko sa simula, sa totoo lang, piyesta ito. Madilim man ang gabi, kailangan masaya pa rin.
Nagawang masarap ang Yalda.
-Yasu