PAGTATASA

February 13, 2010 at 5:39 am (Uncategorized)

Lagpas isang linggo na nang matapos ang aking pamumuhay bilang Muslim. Lagpas na rin ng isang buwan mula kami’y “mabinyagan”. Para magkaroon nang kahit kakaunting kahulugan ang aming naturang karanasan, maganda siguro kung mapapagnilayan ang mga ito. Ayon nga sa kasabihan, ang isang karanasan, kahit gaano pa man ito ka-astig o ‘di malilimutan, ay wala ring saysay kung ‘di rin ito pag-iisipan at pagninilayan.

Unang punto: mahirap talagang mamuhay bilang Muslim. Bakit? Kami na sigurong mga namuhay bilang Muslim ang makapagpapatunay nito. Kung tutuusin, mahirap naman talagang mamuhay bilang isang mananampalataya, sa kahit ano pa mang relihiyon – kesyo taga-sunod ka ni Hesus, Allah, o Buddha, marami talagang mga batas at panukalang kailangang sundin upang maituring ka na isang mabuting taga-sunod. Ngunit, kung inyong maitatanong, ano ba ang MAS nagpahirap sa pagiging Muslim namin sa loob ng isang buwan? Una sa lahat, tunay nga namang mas strikto ang mga panuntunan ng mga kapatid nating taga-sunod ng Islam. (‘Di ko nga lang alam kung ano, kung mayroon man, ang mga parusa ng mga Muslim kapag sila’y nagkakasala. Halimbawa, ‘di ko alam kung ano ang nagyayari sa mga Muslim na kumakain ng baboy, o mas lalo na dun sa mga gumagawa ng matitinding pagkakasala tulad ng pagtataksil sa asawa atbp.) At ang ganitong pamumuhay, na mahigpit sa pagkakasala ang sinubukan naming gampanan. Pangalawa, ‘di naman siguro maganda kung hindi namin nalubos ang aming karanasan, sa pamamagitan ng pagsasawalang-bahala ng mga alituntunin ng aming pansamantalang relihiyon. Kung kami’y nagpilit na kumain ng pizza rolls na may lamang baboy, o uminom ng kahit isang basong beer, tila nawawalan ng saysay ang aming pagpupunyagi na maintindihan ng mas mabuti ang buhay ng isang taga-sunod ni Allah. Aaminin ko na kahit man ako ang may pinakamarami sa tala ng mga sala, maipagmamalaki ko na sinubukan kong bawasan ang aking pagkakasala sa loob ng isang buwan na iyon at natutuwa ako sa aking sarili. Kahit papaano, ay masasabi ko, na sa aspetong ito ng Islam (at mga taga-sunod nito) ay may malalim na akong pag-unawa. At siyempre, umaasa din ako na ’di lang ito nagtatapos dito. Nawa’y madala ko ang lahat ng aking natutunan, partikular na tungkol sa pag-iwas sa kasalanan sa aking pagbalik sa isang Kristiyanong pamumuhay. Balewala siguro ang mga aral na aming napulot kung ito’y kakalimutan din namin, at ‘di gagamitin sa hinaharap.

Pangalawa, nais kong ilarawan ang mismong karanasan ng pagiging isang “Muslim”. Sa kabuuan, bukod sa aspeto ng pagkakasala, ‘di naman ganun kahirap o naiiba ang pagiging isang Muslim. Maliban na nga lang dun sa mga ilang bawal, aming mga pansamantalang binagong pangalang, at mga itinkadang oras ng pagdarasal ay parehong tao pa rin naman kaming lahat sa grupo. Umuupo sa klase para mag-aral, lumalabas ng Biyernes para maglaro ng kompyuter at gumimik (wala nga lang inom-inom), at nakikisalamuha pa rin sa aming kapwa kesyo Muslim, Kristiyano, at iba pa. Napag-isipan ko na rin na isang maling akala ang ‘di pagkakaintindihan ng mga tao dahil sa usaping relihiyon. Dahil sa katunayan, wala naman talagang epekto ‘to sa relasyon ng mga tao sa isa’t isa, at napatunayan ito ng aming mumunting eksperimento. Nang magsimula ang aming pagiging Muslim, isinaisip ko ang itinituring na pinaka-problema ng mga Muslim ukol sa pakikisalamuha at pakikiisa. Hindi naman kami inaway ng aming Kristiyanong kaklase, o kaya’y kinutya bilang mga terorista at taga-benta ng pekeng DVD. Kung mayroon mang ‘di pagkakaintindihan sa ngayon, ay resulta ito ng isang mababaw at makitid na pananaw (na kadalasan ay base sa mga lumang haka lamang), at malaking kakulangan ng pagkakaintindihan at pag-unawa. Nakatulong marahil na matagal na kaming magkakaklase kaya wala masyadong pang-aasar at panggagago (at dahil na rin siguro na alam nilang seryoso ang aming proyekto). At ito na siguro ang pinakapunto ng aming naturang gawain: kung tayo’y magkukusa lang na intindihin ang ating mga kapatid na Muslim ay wala sanang away na naka-ugat sa usaping relihiyon. Wala naman kasing personalan pagdating sa ganitong isyu e. May karapatan tayong pumili ng ating relihiyon, at sambahin ang kung sino mang Diyos diyan; may karapatan silang pumili ng kanilang relihiyon at sambihin ang kung sino mang Diyos. Sa bandang huli, pare-pareho lang naman tayo. Parehong tao, parehong Pilipino, na pantay-pantay pagdating sa mga karapatan, dignidad at pagkatao.

Panghuli, nais kong tapusin ang aking karanasan bilang pansamantalang alipin ni Allah, sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong na ito: Nagawa, o natupad ba namin ang aming mga mithiin ng sinimulan namin ang proyektong ito? Sa aking personal na opinion, ay oo. Babalikan natin ngayon ang pinaka-konsepto ng aming pagganap bilang mga “Muslim” sa loob ng isang buwan. Ano ba ang nais naming makamit noong una naming naisip, at sinimulan ang eksperimentong ‘to? Sa aking unang tagta (blog), sinabi ko na aming susubukang bigyang lunas ang “pagka-ilang” nating mga Kristiyano sa ating mga kapatid na mananampalataya ng Islam, sa pamamagitan ng pamumuhay bilang isa sa kanila. Binanggit ko rin na kadalasan, tayo’y naiilang sa mga bagay na ‘di tayo pamilyar, o kaya’y ‘di natin kilala, naiintindihan o nauunawaan. At ang naisip naming paraan upang maresolba ang ganitong klaseng isyu partikular na ang tensyon na namamagitan sa mga Kristiyano at Muslim, ay ilusong ang aming sarili sa ganitong klaseng pamumuhay. At sa aking palagay, kami’y nagtagumpay kahit papaano. Nilayon namin ang proyektong ito para sa aming mga sarili bago ang lahat, at parang dagdag na lamang kung may mabuksan kaming mga mata at mga kalooban. Sa sarili ko mismo, narating ko ang isang mas malalim at mas bukas na pag-unawa sa mga Pilipinong Muslim, sapagkat dinanas ko ang kanyang buhay sa loob ng isang buwan – at sa loob ng isang buwan na ito ay napagyaman ang aking kaalaman ukol sa Islam at sa mga taga-sunod nito, at siyempre nadagdagan din ang aking respeto at pag-intindi para sa kanila. Ikagagalak ko kung may natutunan at matutunan ang ibang mga tao, partikular na sa mga taga-labas na makababasa at makabibisita sa aming website at mga blogs dito. Kung wala o kakaunti lamang, ay okay lang din naman. ‘Di namin itinakda na magiging isang malaking tagumpay agad ang aming proyekto. Ang mahalaga ay personal kaming naliwanagan – kaming pitong sumabak sa karanasan na ito. At nasa inyo na kung may mapupulot kayo sa aming mumunting gawain. Sabi nga nila, ang pagbabago ay ‘di naisasagawa o naisasakatuparan agad-agad. Ang tunay na pagbabago ay dinadahan-dahan, at inuunti-unti. At nawa’y nagsilbi kaming gabay, at simula para sa mga iba pang pagbabago sa hinaharap. Hanggang sa muli, kapatid. Salaam Alaykum.

-Al-Tufayl

Permalink Leave a Comment

Malinaw na Layunin

February 8, 2010 at 2:10 pm (Uncategorized)

Bismillah Ar-Rahman Ar-Raheem

Salam.

Ngayon ko lang natanto na hindi masyadong maliwanag ang mga layunin ng hatid namin. Sana ay makatutulong ang bagong paskil na ito.

Noong ika-7 ng Enero ng taong 2010, mayroong pitong binatang taga-AHS na nagtangkang mamuhay bilang mga muslim nang isang buong buwan.

Klaro ang hinihingi mula sa kanila:

1. Bawal ang kumain ng baboy, uminom ng alak at magnasa sa kahit anong paraan.

2. Kailangan magdasal ng limang beses bawat araw, at gamitin ang Arabong pangalan.

3.  Kailangan nilang pagnilayan ang karanasa, sumulat ng tagta at ilathala ang sinulat. *Parating na po ang mga litrato at video!* :D

(Mayroon ibang bagay na dinagdag o binago, tulad ng pagbabasa ng Koran tuwing Biyernes, at pagpapaikli ng buwan mula 30 araw sa 28 na araw.)

Sumunod kami sa mga alintuntunin ng proyekto, ngunit para sa ano? Bakit namin ito ginagawa? Dahil lang ba “astig” or malupit pakinggan ‘yung halatang mahirap na proyekto?

Hindi. Ang pinakalayunin ng hatid ay ang magkaroon ng malalim at matinding pag-uunawa sa kultura ang pananampalataya ng Islam, sapagkat umaasa kami na maaaring magkaroon ng katapusan ang hidwaan sa pagitan ng lahat ng Muslim at Kristyano ‘di lamang sa Pilipinas, kundi, paglaon, sa mundo.

Sana po ay basahin niyo ang mga tagta na naghahayag ng mga bagong nabuong pananaw bunga ng hatid. Layunin namin ang matuto mula sa experimentong ito, at ipahayag at ilathala sa inyong lahat ang kaalamang nakalap.

Allahu Akbar (Ang Diyos ang Pinakadakila)

Permalink 1 Comment

Pagnanasa

February 6, 2010 at 6:12 am (Uncategorized)

Hindi maitatanggi na ang lahat ng tao, kahit sa isang punto man lang ng kanilang buhay, ay magnanasa. Ano nga ba ang pagnanasa?  Batay sa isang mabilis na pagtingin sa Google, nakasaad (at marahil alam na natin ito) na ang pagnanasa ay isang matinding pakiramdam ng pagkahumaling, na nanggagaling sa isang estado ng kawalan ng pagka-kuntento sa iba’t ibang mga bagay, o sa kakulangan sa tugon para sa mga indibidwal na pangangailangan.

Lahat naman tayo ay may kanya-kanyang ninanasa. May mga taong  sadyang mahilig sa tsokolate at hinahanap-hanap ito sa bawat oras. May mga matatalinong taong nagnanasa para sa mga matataas na grado. Mayroon ding mga sakim na pulitiko na nagnanasa para sa malalaking kayamanan at kapangyarihan. At siyempre ‘di mawawala ang pagnanasa para sa ating kapwa, partikular na ng isang lalaki para sa isang babae, o ang kabaliktaran nito.

Ang unang tanong na kailangan natin sagutin sa diskusyong ito, ay kung may karapatan ba tayong bigyang lunas ang ating pagnanasa sa isang bagay. Para sa akin, ang sagot ay depende. Siyempre, ‘di lang naman tayo ang tao sa mundo. At kadalasan, kung may gusto tayong angkinin o mapasaatin e mayroon tayong kailangang tapakan para lang makuha ang ating mga kagustuhan. Halimbawa na siguro ‘yung gagong pulitiko na nagnanakaw mula sa kaban ng bayan: bawat sentimong kinukulimbat niya ay marahil nagamit sana sa pagpapakain ng isang batang namimilipit sa gutom sa kung saang eskinita. Pero sa kabilang banda, naniniwala rin naman ako na puwede ka namang magnasa kung wala ka namang natatapakan o nasasaktan sa iyong pagkamit ng iyong ninanasa. Pangangailangan mo ‘yun e. At karapatan mong hanapan ng panawid-gutom ang iyong mga pansariling pangangailangan.

Sige, aaminin ko: sa tala ng mga kasalanan (naming mga nabubuhay bilang Muslim), ako ang may pinakamarami. At oo, sa pagnanasa bumabagsak ang karamihan ng aking mga puntos sa tala. Nakakahiya na kung nakakahiya, pero mas mabuting maging makatotohanan kaysa magtago at ‘wag maglantad. Mas masahol pa rin ang mga sinungaling. At kung titignan ko ang tala ng iba kong kapwang Muslim, minsan ako’y nadidismaya at ‘di makapaniwala na wala o kakaunti lang ang bilang nila sa ilalim ng ganitong uri ng pagkakasala. Diretsahan na, at sinasabi ko sa  sarili ko na imposible ata ‘to.

*naka-paskil ang tala at bukas para makita ng lahat

Sigurado akong ‘di ako nag-iisa sa aking klase, sa aking eskuwela (na Katoliko pa man din), o sa aking mga ka-edad. Nasa edad ako kung saan ‘di ko kontrolado ang takbo ng aking katawan, partikular na ang tinatawag nating hormones. Mabilis na pagbabago ng ugali (masaya ngayon, nais magpakamatay mamaya), ilang pagbabagong pisikal, at siyempre matinding pagkahumaling para sa mga miyembro ng kabilang kasarian. Makakita nga lang ng babaeng dumadaan na maganda, seksi, o medyo kaunti lang ang saplot na nakabalot sa katawan e parang nasisiraan na ng ulo ang ilang mga lalaki. Mas lalo na para sa mga nanonood at nagbabasa ng mga pelikula at babasahing pornograpiko.

Kristiyano ako (sa katunayan), maging ang dalawang libo at higit pang mga Atenista, at maging ang halos kuwarenta kong kaklase sa 4A. Alam kong kasalanan ang pagnanasa (para sa mga miyembro ng kabilang kasarian), at labag ito maging sa ating sariling relihiyon at mga batas nito. Eto na ang pangalawang tanong: maiiwasan ba natin ito? Ang tanong ay, hinde. Mangyayari at mangyayari ito, lalo na sa aming nagbibinata. ‘Di ko sinasabing imposible; ang aking punto ay ‘di ito mawawala. Nakabaon na ‘to sa ating mga utak e, sa ating mga hormones. At marahil, kinakailangan siguro ng isang ubod ng astig at dalisay na tao para maiwasan at kalimutan ito ng tuluyan. Nabanggit ko na kanina na ‘di masama ang paghahanap ng lunas sa ating mga pangangailangan basta wala tayong tinatapakan at sinasaktan. At hanggang ngayon, kahit ano pa ang sabihin ng iba, tulad ng mga kapwa kong “Muslim”, kesyo mawawalan daw ako ng respeto para sa mga ibang babae tulad ng aking nanay, mga kapatid na babae (wala naman akong babaeng kapatid), o marahil mga gurong babae; o ‘di kaya ilang mga teorya na ‘di naman napapatunayan pa – para sa akin, mahirap lunukin ang ganitong mga bagay. Ako’y matalino, isang intelektuwal na nag-iisip at ‘di talaga bumebenta sa akin ang ganitong klaseng mga rason. Hanggang ngayon, naghahanap pa talaga ako ng mga taong magsasabi sa akin ng mga kongkretong dahilan kung bakit ‘di ko ‘to puwedeng ipagpatuloy. ‘Wag niyo akong husgahan. Nagmimisa ako dalawang beses sa isang linggo. Nagbibigay ako ng pera sa simbahan. Kumakanta ako sa choir ng aming parokya. Sumasama ako sa aking pamilya sa pagrorosaryo araw-araw. Umiiwas ako sa mga maling gawain NA SA TINGIN KO AY MAY KONGRETO AT KAPANI-PANIWALANG BASEHAN. Masama ang magnakaw dahil may karapatan ang iba dun bilang may-ari. Masama ang pumatay dahil sa Diyos nanggaling ang buhay na iyon, at wala kang karapatan na kunin ito (at dahil may karapatan din ang mga kaanak ng biktima na mabuhay ito, lalo na halimbawa kung magulang ito na sumusustento sa kanyang pamilya). Masama ang pagnanasa dahil…?

- Al-Tufayl

Permalink Leave a Comment

Ayaw maniwala

February 4, 2010 at 1:03 pm (Uncategorized)

Ayaw maniwala ni Gng. Albert na mayroon talaga kaming proyektong ganito. Nagtataka kasi siya kung bakit may balbas ako. E pinaliwanag ko naman sa kaniya na “muslim” ako, tapos tinanong niya ang katabi kong si Gio, “Is he pulling my leg?” :( ( Bakit mahirap maniwala? Nag-plug-in pa naman ako ng tagtang tabsir. :( ( Huhuhuhu….

-Yasu

Permalink Leave a Comment

Hindi Ako Muslim

February 2, 2010 at 6:41 pm (Uncategorized)

Kamusta. Ako’y nasa grupong ito at hindi ako Muslim.

Noong una, gustung-gusto ko ang ideya ng pagiging Muslim. Ngunit nung palapit ng palapit na yung araw ng pagbibinyag, lumaki ng lumaki ang alinlangan sa puso ko.

Kakayanin ko ba ang isang buong buwan ng hindi pagkain ng baboy? Isang buong buwan ng pagpigil sa aking mga pagnanasa? Isang buong buwan ng pagdadasal hindi ng mga Katolikong panalangin na nakaugalian ko na ngunit ng mga dasal ng Islam? Kakayanin ko bang talikuran muna ang paniniwala ko sa relihiyon ko ng isang buwan?

At nalaman ko, isang araw bago ang binyag, na hindi ko ito makakaya. Hindi pa nga nagsisimula, ganoon na ako. Paano pa kaya kung isang buwan?

Kaya hindi ako naging Muslim. Ako tuloy ang inatasang tagapamahala sa pagdokumenta at pag-ayos ng lahat ng gagawin ng grupo namin.

Nasundan ko and mga gawain ng mga kagrupo ko habang sila’y nagmu-Muslim. At ito ang mga napansin ko:

1) Humihirap ang pagiging Muslim habang tumatagal.

Noong una’y maayos pa ang lahat. ‘Di sila kumakain ng baboy, laging nagdadasal ng dasal-Islam, hindi nagnanasa, pinapaalam at pinapagamit sa iba ang kanilang Muslim na pangalan. Ngunit nang nagdaan ang mga araw, marami sa kanila ang kumakain na ng baboy, hindi na nagdadasal sa takdang oras, binabalewala ang pagbabawal sa pagnanasa (at minsan, pinagtatawanan at tinatanong pa ang kahalagahan ng pagbabawal), at nakalimutan na ng tuluyan ang paggamit ng mga Muslim na pangalan nila.

2) Hindi talaga nila kayang talikuran ang pagiging Kristiyano nila.

Marami sa kanila ang nagkakamali sa pagdarasal ng Kristiyanong mga dasal. Marami rin sa kanila ang hindi maiwasang pumupunta sa mga Katolikong simbahan tuwing Linggo.

3) Lagi silang pinagtatawanan

Siguro naman ‘di rin sa kakulangan ng respeto sa relihiyong Islam ngunit marami sa kanilang mga kaibigan at kaklase ang pinagtatawanan ang kanilang pagiging Islam. Biro lang naman daw. Aywan ko na lang diyan.

4) Kulang kami sa tao at sa oras

Kulang kami. Mas maraming taong makakakita ng halaga ng proyekto namin kung mas marami kaming tao na sumali at mas marami ang tumatangkilik sa proyektong ito. Mahirap din talagang mag-organisa ng mga gawain para sa proyektong ito dahil kulang na kulang talaga kami sa oras. Marami rin kasing ibang trabahong kailangan asikasuhin.

Marami pa akong masasabi tungkol sa proyekto pero mas mabuti sigurong sabihin ko ang mga iyon kapag tapos na ang isang buwan. Kaya paalam muna para sa ngayon.

-Bugsy Centino

Permalink Leave a Comment

Bakit gano’n?

February 2, 2010 at 11:34 am (Uncategorized)

Tatlong linggo na rin akong namumuhay bilang isang Muslim. Sa mga nagdaang araw, sadyang naging mahirap ang mamuhay gaya ng nakagawian na. Palibhasa kasi’y may mga naiba at may mga nagpupumilit na ibahin.

Sa simula, mukha naming sisiw lang ang mamuhay bilang isang Muslim. Wala naman talaga akong hilig sa pag-inom ng alak at kaya ko namang iwasan ang pagkain ng baboy kung nanaisin. Hindi ko rin naman ginagawang pampalipas ng oras ang pagtingin sa mga babaeng nagdaraan sa tabi-tabi. Kala ko madali lang ‘to.

Halata naman sa aking pananalita na ako’y nagkamali. Mahirap. Sobrang hirap. Palibhasa kasi’y nakikita ko ang mga taong nasa aking paligid na nagagawa nila ang mga bagay-bagay na bawal para sa isang Muslim nang walang pag-aalinlangan.

Kahit isang munting pizza roll man lang ay ‘di ko magawang kainin nang hindi nakararamdam ng kauting pagsisi. Kahit ang kapalit lang nito ay isang dagdag na marka sa talaan ng sala, ang pagkain ng baboy ay tinuturing ko nang isang “tunay” na kasalanan. Talagang nag-iba na ang aking pamumuhay. Hindi ko alam kung makababalik pa ako sa dati kong mga nakasanayan.

Kahit ang mga kasamahan ko rin sa proyektong ito ay nahihirapan din. Kadalasa’y maririnig mo mula sa aming mga pagpupulong ang mga birong “Pagkatapos nito, kakain ako ng isang buong letson!” o kaya naman ay “Iinom ako ng alak na hinaluan ng dinikdik na bacon habang nag-*******!” Halatang namang kaming lahat ay hindi nasasarapan sa ginagawa namin.

Kahit ganito man ang aking kalagayan, hindi pa rin ako nagsisisi sa aking pagsali sa grupong naglalayong mamuhay bilang mga Muslim para sa isang buwan. May naidulot din naman itong kagandahan sa aking pamumuhay, tulad na lang ng pagdalas ng aking pagdarasal, hindi dahil sa kailangan kundi dahil sa nakasanayan ko na. Ang tanging kagustuhan ko lang ay may maidulot din na pagbabago ito sa inyong buhay, aking mambabasa.

Patapos na rin ang proyektong ito at masasabi kong nagtagumpay naman kami.

Subalit, sa lahat ng naranasan ko sa mga nakaraang linggo ng aking buhay-Muslim, isang bagay lang ang aking pinagtatakhan. May ilang bagay na ipinagbabawal sa Islam na ipinagbabawal din sa Kristiyanismo. Kung ganoon nga, bakit ngayon lang lubusang naramdaman naming mga Kristiyanong-naging-Muslim ang kamalian ng ilan sa aming mga gawain? Dati naman kasi ay halos walang epekto sa amin, o sa iba sa amin, ang pagiging bastos sa mga kababaihan, ang “pagpapasaya sa sarili” at kung anu-ano pa. Dati’y parang walang lang ang mga gawaing ito, pero ngayo’y tila naging napalaking isyu nga mga ‘to.

Siguro’y dahil may mga makaaalam kung gawin namin ang mga ‘to.

Siguro’y dahil gusto naming magmukhang mga santo’t banal sa harapan ng ibang mga tao.

Siguro’y dahil nasanay na kami sa pamumuhay bilang mga Muslim.

Siguro’y dahil may nagpapaalala lagi sa amin sa mga nakaraang linggo na mali ang mga ‘to.

Hindi ko rin alam. Ngunit, nakasisiguro akong mananatili na ang mga pagbabagong naidulot ng pagiging isang Muslim sa aking buhay.

-Jahangir

Dagdag: Ako ‘yun, ‘yung “Iinom ako ng alak habang…”

-Yasu

Permalink Leave a Comment

Lagom

February 1, 2010 at 8:52 am (Uncategorized)

Matagal-tagal na rin akong namumuhay ng Muslim. Marahil iisipin ng ibang iilang linggo pa lang akong nagdarasal ng Al-Fatiha, umiiwas sa karneng baboy, at umiiwas sa mumunting mga palda at low-cut na pantaas ng mga nagpapapansing mga mutya kung saan man. Sasabihin ng iba na maikli lang ang tatlumpung araw. Mani-mani lang ang isang buwan.

Sa lagay ko ngayon, hindi totoong maikli ang tinakdang buwan ng pamumuhay ko bilang Muslim. Hindi kasi umiikot ang mundo sa akin. Hindi magiging Muslim ang paligid palibhasa naging Muslim ako. Katoliko pa rin ang karamihan sa mga nakasasalamuha ko. Katolikong paaralan ang pinapasukan ko. Walang nagbago kundi ako. Hindi mawawala ang karneng baboy sa hapag-kainan. Hindi ipagbabawal ang mga misa. Magpo-porno pa rin ang nais mag-porno. Mahirap maging Muslim kasi hindi siya isang malawakang kilos na titibag ng kung anumang nakasaad na sa kulturang Pinoy (o kahit mga Atenista lang). Kami ang makikibagay. Hindi sila.

Isang mulat na pagiwas sa pagsala ang pinaiiral namin. Bago kasi ang karamihan ng mga pagbabawal sa amin. Hindi kami sanay umiwas sa karneng baboy, lumayo sa alak, magdasal ng limang beses sa isang araw, at kumalag sa tukso ng kababaihan. Nagbago ang bawat araw namin.

Dahil sa malaking pagbabagong hindi namin lubos ninais (dahil hindi namin inasahan ang hirap ng pagsunod sa mga batas ng Muslim), hindi malayong isipin na patuloy ang pagdagsa ng tuksong naghihinaing sa katauhan naming tigilan na ang kalokohang pagpapahirap sa buhay namin. Nagmumukha tuloy kaming mga engot na masokistang naghihirap para sa isang bagay na hindi niya pinaniniwalaan.

Pero hindi kami tumitigil sa pagsunod.

Patuloy ang pag-iwas sa tukso. Patuloy ang papuri limang beses kada araw.

Bakit? Bakit nang maging Muslim kami e tila mas tumino pa kami kaysa noong Katoliko kami? ‘Pag Katoliko ka, bawal din namang magnasa ng lubos, bawal umangkin ng lubos, bawal sirain ang katawang binigay ng Ama, at kailangan pa rin namang sumamba. Mas malakas ba ang hatak ni Allah kay Jehovah?

Sa aking pananaw, ito dahilan kung bakit kami mas mabuting mga nilalang kay Allah ang pinaka-ugat at rurok ng kung bakit kami naging Muslim:

Hindi namin lubos nasasaklaw ang pananampalatayang Islam. Hindi namin ito naiintindihan.

(daragdagan pa rito)

Oo, alam namin kung ano ang dapat gawin at kung ano ang hindi dapat gawin. Pero hindi namin alam ang hangganan ng pagsunod at pagsuway. Hindi kasi namin alam kung bakit kami susunod. Ang gamay lamang ng aming dunong ngayon ay ang Paano, hindi ang Bakit.

Sa pagtatapos ng aking buhay-Muslim, tanging ang bakit ang patuloy kong mamatahan. Makamit ko lang ito, umabot man ng isang milyon ang aking mga sala, maging isang patapong Muslim man ako, masasabi ko nang kahit papaano, kahit isang beses lang, natanto ko ang katotohanan ng pagiging isang Muslim.

-Qasim

Permalink Leave a Comment

Yalda

January 28, 2010 at 3:05 pm (Uncategorized)

Salam.

Sampung araw na lamang ang natitira para sa amin. Inshallah (“kung nais ni Allah” o parang “sana”), patuloy na maging makahulugan para sa lahat ang pinagdadaanan namin.

Ngayon ako na ang nakatakda para sumulat ng tagta. Mahirap ito para sa akin, ‘pagkat ang magagandang karanasan at pananaw na inilathala na ng mga kapatid ko ay parang akin din. Ano pa ba ang maidagdag?

Susubukan ko lang. Magsisimula ako sa natutunan kong bagong konsepto: ang Yalda. Natagpuan ko ito sa nobelang Kite Runner. Para kay Amir, ang pangunahing tauhan, ang Yalda ay ang mga malamig, makulimlim at mapanglaw na gabing tinitiis niya bago niya makita ulit si Soraya, siyang nagbibigay-liwanag sa kanyang buhay. Ang Yalda kasi, sa kulturang Persyano, panahon ng paghihintay para sa pagbubukang-liwayway, bago mag-Winter Solstice.

Biglang nagkaroon ito ng halaga sa akin. Sa klase, madalas pa rin kami makipaglokohan. “Sana matapos na ‘to! Gusto ko nang kumain ng baboy!” “Pare, magpapakalasing na ako mamaya a. Markahan niyo na lang ako…” Minsan biro. Minsan totoo. Halatang-halatang hirap kami sa social experiment na ito.

Ako pa naman ang nagmungkahi ng hatid na ito. Ako na ang umaayaw, ngayong malapit na matapos ang buwan. Parang Yalda talaga… gigil na gigil, ‘di makatiis para makita ang “liwanag”.

Ngunit, ‘wag niyong isipin na parusa ang buhay ng muslim. ‘Di lang sanay kaya malamig, makulimlim at mapanglaw ang buhay. Tatlong linggo pa lamang ang nakalipas, tiyak na alam ko na ang hirap ng buhay ng muslim. Nagkaroon ako ng bago’t mataimtim na paggalang para sa mga muslim at ang Islam.

Huwag niyong isipin na parusa ang Yalda. Dapat pala sinabi ko sa simula, sa totoo lang, piyesta ito. Madilim man ang gabi, kailangan masaya pa rin.

Nagawang masarap ang Yalda.

-Yasu

Permalink Leave a Comment

14/30

January 21, 2010 at 3:46 pm (Uncategorized)

Salam.

Mga Muslim! Dalawang linggo na tayong “muslim”!

UPDATE (pakisalin nga ang update):

Jahangir:  Ikaw ang itinakda na magsulat ng liham kay Fr. RB. Kailangan nating malaman kung sino nga ‘yung heswitang nag-aral ng Islamic Studies. Kailangan mo ring magsulat ng tagta.

Zaahir:  Magsulat ka na ng tagta. Pakisoli na ‘yung Basics of Islam.

Shaq: Alam kong nasalin mo na ang karamihan ng mga salitang binigay ko sa iyo. Ipadala mo na kay Bugsy para malathala na. Basahin mo na ‘yung Under the Crescent Moon

Aqil: Alam kong nagsulat ka na ng tagta, pero pakihanda na ‘yung mas malalim na pagsuri tungkol sa kung ano’ng maaaring nagbago sa ugali natin.

Bugsy: Singil taym! Lahat ng may utang na tagta: ako, Qasim, Jahangir, Zaahir. Kuha ka na ng mga litrato.

Qasim: Tagta pare. Tsaka pakisoli ‘yung Assassins. Gusto ko nang basahin ‘yun.

Al-Tufayl: Pwede bang iwasan ang “magkasala”? Pakiusap lang naman. :|

Para sa lahat: Babalik tayo sa dati nating gawing magdasal nang magkasama. Hindi ko kayo tatawagin, kaya mag-isa kang dadasal kung ‘di ka umabot sa amin. Isaulo niyo na ‘yung arabong bersyon, ‘pagkat nasa kalagitnaan na tayo ng hatid. At… gamitin niyo na mga pangalan niyo. :| kk?

Allahu Akbar

Permalink Leave a Comment

TABSIR

January 21, 2010 at 3:26 pm (Uncategorized)

Bakit ba tabsir ang pinili ko – ah, e… uh… namin – para sa username ng tagta? Ang tabsir ay nangangahulugang spreading the good news o evangelization, na konseptong malapit sa puso ng bawat Kristyano. Tsaka dahil ang pag-uulat at paglalahathala ng mga karanasan namin (bilang mga “muslim”) ay parang kakaibang  “mabuting balita”.

-Yasu

Permalink Leave a Comment

Next page »

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.